--Ads--

Ipinagpaliban ng Senate Blue Ribbon Committee ang nakatakdang pagdinig nito sa Abril 14 tungkol sa mga maanomalyang flood control projects, habang hinihintay pa ang pormal na pagsusumite ni dating Gov. Luis “Chavit” Singson ng kanyang sinumpaang salaysay.

Ayon kay Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo “Ping” M. Lacson, kailangan din ang pirma ng mga miyembro sa partial committee report mula sa nakaraang pagdinig bago ipagpatuloy ang proseso.

Ipinunto ni Lacson na maaari niyang isaalang-alang ang muling pagpapatawag ng pagdinig kung makapagsumite si Singson ng kahit na isang kopya ng kanyang draft affidavit at kung magkakaroon ng karagdagang limang miyembro na lalagda sa nasabing report upang ito’y maiprisinta sa plenaryo ng Senado.

Sa liham na ipinadala kay Singson, sinabi ni Lacson na ipinagpaliban ang pagdinig hanggang sa matapos ang kasalukuyang National Energy Emergency at ang formal submission ni Singson ng mga kinakailangang dokumento.

--Ads--

Kasama sa mga dokumentong ito ang mga pertinent supporting documents. Binigyang-diin din ni Lacson na nakabinbin ang pagdinig hangga’t hindi pa natatapos ang pagsusuri at paglagda sa Partial Committee Report na kasalukuyang nakatengga sa mga miyembro ng komite.

Inaasahan din na magbibigay ng update ang komite tungkol sa bagong iskedyul ng pagdinig kapag ito ay matutukoy.

Idinagdag ni Lacson na binigyan ng Blue Ribbon Committee si Singson hanggang Abril 7 para magsumite ng draft affidavit, ngunit walang natanggap na tugon mula rito. Inimbitahan si Singson noong Marso 25 sa pamamagitan ng email, at nang walang sagot, muling ipinadala ang liham noong Abril 6 sa kanyang tirahan. Ipinadala naman ang liham ng pagpapaliban noong Abril 7.

Binigyang-diin din ni Lacson na hanggang apat na miyembro pa lamang ang lumagda sa partial committee report, at kulang pa ng limang pirma upang maabot ang siyam na kinakailangang lagda para makabuo ng mayorya at mailahad ito sa plenaryo.

Samantala, sinabi ni Lacson na maaaring maghain siya ng Chairman’s Report tungkol sa mga isyu sa flood control projects at ipasa ito sa Ombudsman kasama ang mga dokumento, transcript, at iba pang ebidensya mula sa hindi bababa sa pitong pagdinig. Layunin nito na makatulong sa mga ongoing preliminary investigations ng Ombudsman.