--Ads--

Dumating sa Senado ang 18 umano’y dating bodyguard ng puganteng kongresistang si Zaldy Co ngunit hindi sila dumalo sa consultative meeting ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senador Erwin Tulfo tungkol sa umano’y flood control scam.

Sa halip, nagtungo sila sa opisina ni Senador Robinhood Padilla kasama ang kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod. Ayon kay Baligod, hindi nila kinikilala ang awtoridad ng komite ni Tulfo dahil umano sa depektibong imbitasyon.

Sa hiwalay na press conference, sinabi ni Baligod na may 14 pang dating empleyado ni Co na nakatakdang tumestigo sa isang pagdinig na umano’y pamumunuan ni Senador Alan Cayetano at maglalabas ng mga bagong impormasyon.

Dalawa sa 18 testigo ang umatras na sa kanilang alegasyon laban kay Senadora Loren Legarda. Inamin din ni Baligod na hindi personal na nakita ng kanyang mga kliyente si Legarda o ang umano’y paghahatid ng pera sa kanya.

--Ads--

Samantala, naghain si Senador Erwin Tulfo ng kasong grave oral defamation laban sa tatlong testigo na nag-akusa sa kanya ng pagtanggap umano ng pera. Kinuwestiyon din ni Senador Raffy Tulfo ang kredibilidad ng grupo at ang kanilang mga pahayag.

Sa Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na itinuring ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kasinungalingan ang alegasyong may dinalang maletang puno ng pera sa kanyang tahanan sa Paoay, Ilocos Norte.

Patuloy na iniimbestigahan ng Senado ang mga alegasyon kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project.