--Ads--

Mariing tinutulan ni House Committee on Justice Chairperson at Lead Prosecutor Rep. Gerville Luistro ang panukalang online voting sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Luistro, napakahalaga ng proseso ng impeachment kaya nararapat lamang na personal na dumalo ang mga senator-judge sa paglilitis at personal ding maghain ng kanilang boto.

Pahayag ito ni Luistro bilang tugon sa mungkahi ni Sen. Rodante Marcoleta na maaaring pahintulutan si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na makilahok at bumoto sa impeachment proceedings sa pamamagitan ng online platform o Zoom.

Sinabi ni Luistro na bagamat iginagalang niya sina Marcoleta at Dela Rosa, mahalagang isaalang-alang ang bigat at integridad ng impeachment process.

--Ads--

Binigyang-diin pa ni Luistro na mahalagang personal na nasasaksihan ng senator-judge ang testimonya ng mga testigo, gayundin ang pagsusuri sa mga dokumento at video evidence na inihaharap bilang suporta sa Articles of Impeachment.