--Ads--

May ilang senior citizen na nagrereklamo tungkol sa hindi pagbibigay ng tamang diskwento sa pamasahe ng ilang tricycle driver, na naipapaabot rin sa opisina ng lokal na pamahalaan ng Santiago City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Modesto Cabanos III, Department Head I ng DPOS Santiago City, may mga natatanggap silang reklamo mula sa matatandang pasahero na hindi naipapatupad ang itinakdang diskwento sa tricycle.

Aniya, sapat ang kakayahan ng tanggapan upang mabilis na matukoy ang mga lumalabag na driver dahil may kumpletong talaan sila ng humigit-kumulang pitong libong tricycle sa lungsod, kabilang ang pagkakakilanlan ng driver at ang kanilang TODA.

Binigyang-diin nito na sa loob lamang ng 15 minuto mula sa pagtanggap ng reklamo ay maaari nang matukoy ang driver at masimulan ang kaukulang aksyon.

--Ads--

Hinihikayat niya ang publiko, lalo na ang mga senior citizen, na agad magsumbong upang masiguro ang pagpapatupad ng patakaran at maprotektahan ang kanilang karapatan sa diskwento sa pamasahe.