Nasabat ng isang courier service company sa Dasmariñas City, Cavite ang hinihinalang shabu na itinago sa kuwelyo ng isang damit na ipapadala sana sa Purok 7, Barangay Osmeña, Ilagan City, Isabela.
Ayon kay PLtCol. Mac Arthur Mercader, hepe ng Dasmariñas Component City Police Station, boluntaryong isinuko ng kinatawan ng courier service ang pakete sa kanilang himpilan dakong alas-8:20 ng gabi noong Agosto 10 matapos matuklasan ang hinihinalang ilegal na droga.
Sa imbestigasyon, lumabas na dakong alas-2:41 ng hapon noong Agosto 9 nang dalhin ng isang lalaking sender ang pakete sa tanggapan ng courier service. Nakasaad na damit ang laman nito at ipapadala sa Ilagan City, Isabela.
Napansin umano ng isang empleyado ng courier service ang kahina-hinalang butas sa kuwelyo ng damit kaya’t nagduda ito na may nakatagong bagay sa loob.
Matapos makaalis ang sender, sinuri ang damit at doon natagpuan ang isang maliit na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Tinatayang may bigat na 2.50 gramo ang nakuhang hinihinalang droga na may tinatayang halaga na P17,000 batay sa standard drug price.
Hindi na naabutan ng mga tauhan ng courier service ang sender nang matuklasan ang hinihinalang kontrabando.
Dahil sa masamang panahon, pansamantalang itinago at sinigurado muna ng kumpanya ang pakete habang hinihintay ang direktiba mula sa kanilang head office.
Matapos makatanggap ng kaukulang pahintulot, agad na isinuko ang pakete sa Dasmariñas police para sa tamang disposisyon at mas malalim na imbestigasyon.











