--Ads--

Humiling si Davao City Sheriff Abe Andres na huwag na siyang isama sa mga usaping pampulitika kaugnay ng impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte.

Si Andres ay kabilang sa mga testigong inilista ng House prosecution team para sa Artikulo 4 ng impeachment complaint, na tumatalakay sa umano’y mga banta ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.

Matatandaang si Andres ang sheriff na nasuntok ni Duterte noong 2011 sa gitna ng isang demolisyon sa Davao City. Ayon sa mga prosecutor, hindi ang insidenteng iyon ang mismong paksa ng pagdinig kundi ang umano’y pagpapakita nito ng asal at pagiging marahas ng Bise Presidente.

Ipinaliwanag ng House prosecution panel na pinapayagan sa ilalim ng mga tuntunin ng impeachment trial ang pagpresenta ng ebidensiya upang maipakita ang mga asal o behavioral pattern ng isang tao.

--Ads--

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Andres na noon pa man ay pinili na niyang huwag magbigay ng komento tungkol sa insidente at nais niyang manatiling malayo sa mga usaping may bahid ng pulitika.

Samantala, iginiit ng prosecution panel na hindi nila kailangan ng “star witness” para sa Artikulo 4 dahil mayroon nang mga video na umano’y nagpapakita ng mga pahayag na isinasangkot sa kaso. Ayon sa kanila, si Duterte mismo ang maaaring magsilbing pinakamahalagang saksi sa usapin.

Kabilang din sa mga nakalistang testigo ang pangalang “Mary Grace Piattos,” na iniugnay sa umano’y pagtanggap ng confidential funds mula sa Office of the Vice President. Gayunman, sinabi ng Philippine Statistics Authority na wala silang rekord ng naturang pangalan.

Patuloy naman ang paghahanda ng magkabilang panig para sa nalalapit na impeachment trial ng Bise Presidente.