Patuloy na ipatutupad ng ilang mga paaralan sa Lungsod ng Cauayan ang double shift para sa mga paaralang kulang sa silid-aralan ngayong school year 2025-2026.
Ito ay kaugnay sa pagdami ng populasyon ng mga estudyante na dahilan kung bakit nagkukulang ang mga pasilidad sa ilang paaralan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Cherry Ramos, Schools Division Superintendent ng SDO Cauayan, aminado siya na may mga paaralang kulang sa silid-aralan dahil hindi lamang mga estudyante sa Cauayan ang nag-aaral sa lungsod kundi maging mga residente sa iba’t ibang karatig bayan.
Pangunahin umanong nagkaka-problema sa pasilidad ay ang mga malalaking paaralan sa lungsod kaya kinakailangang ipatupad pa rin ang shifting upang ma-accommodate lahat ng mga mag-aaral.
Ang shifting schedule sa umaga ay magsisimula ng alas-7 hanggang alas-12 ng tanghali habang alas-12 naman ng tanghali hanggang alas-5 ng hapon ang ikalawang shift.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na ipatutupad ang shifting sa Cauayan National High School at Cauayan City Stand Alone Senior High School kaya gamay na ng Division Office ang pagpapatupad nito.
Bukod sa kakulangan ng silid aralan, nararanasan din ngayon ang kakulangan ng mga guro sa kaya naman nakikipag-ugnayan na ang SDO Cauayan sa pamahalaang lokal upang matugunan ang naturang usapin.