--Ads--

CAUAYAN CITY- Mas pinaigting pa ng PRO2 ang kanilang kampanya kontra kriminalidad at ilegal na droga sa matagumpay na pagpapatupad ng Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO) sa buong Lambak ng Cagayan.

Bilang bahagi ng kampanya laban sa ilegal na droga, nakakumpiska ang mga kapulisan ng 13.207 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng Php 89,507.00, at 739.6 gramo ng marijuana na may halagang Php 89,156.00 at nagresulta sa pagkakaaresto ng 16 na suspek.

Samantala, matagumpay ring naaresto ang 85 Wanted Persons, kung saan 12 ang Most Wanted Persons, sa magkakahiwalay na operasyon sa iba’t ibang lalawigan ng Rehiyon Dos.

Bukod dito, 28 indibidwal ang nahuli dahil sa paglabag sa Presidential Decree 1602 (illegal gambling), habang apat na katao naman ang naaresto sa paglabag sa PD 705 (Revised Forestry Code of the Philippines), kung saan nasamsam ang 605 board feet ng nilagaring kahoy.

--Ads--

Sa kampanya laban sa loose firearms, anim na suspek ang naaresto sa paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) sa magkakahiwalay na operasyon na kung saan nagresulta sa 33 kabuuang baril na narekober, kung saan ay 4 ang nakumpiska at 29 piraso ang isinukong iba’t ibang uri ng baril.

Sa bahagi naman ng counter-insurgency efforts, dalawang miyembro at labing-isang tagasuporta ng Communist Terrorist Group (CTG) ang boluntaryong sumuko at nagpahayag ng kanilang pagbabalik-loob sa pamahalaan.

Lahat ng mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensiya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng operating units ng PRO2 para sa kaukulang dokumentasyon at legal na proseso.