--Ads--

Pinaigting ng Police Regional Office 2 (PRO2) ang kanilang intelligence at crime prevention operations upang maagap na mapigilan ang krimen sa buong Region 2.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Brigadier General Mariano Rodriguez, sinabi nito na bahagi ito ng programang Enhanced Managing Police Operations ng Philippine National Police (PNP), kung saan araw-araw at lingguhang ina-assess ng kapulisan ang mga naitatalang krimen sa rehiyon.

Ayon sa opisyal, sinusuri nila kung saan nagaganap ang mga krimen, bakit ito nangyayari, at kung anu-anong hakbang ang dapat gawin upang hindi na lumala ang sitwasyon.

Ipinaliwanag ni PBGen Rodriguez na mas nakatuon ngayon ang kanilang operasyon sa maagap na pagpigil sa krimen sa pamamagitan ng pinaigting na intelligence at information gathering laban sa mga criminal gang at iba pang sangkot sa ilegal na gawain.

--Ads--

Dagdag pa niya, mahalagang mapigilan agad ang krimen bago pa ito mangyari at mahuli ang mga posibleng suspek bago pa makagawa ng paglabag sa batas.

Sinabi rin ng opisyal na nananatiling mapayapa at manageable ang peace and order situation sa Region 2 kumpara sa ibang rehiyon sa bansa.

Gayunman, tiniyak ni PBGen Rodriguez na hindi magiging kampante ang kapulisan at mananatiling alerto upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa rehiyon.

Iginiit din niya na disiplinado ang mga pulis sa Region 2 at naniniwala siyang hindi gagawa ang mga ito ng anumang labag sa batas.