--Ads--

Binatikos ni Senador Imee Marcos ang gobyerno ng Pilipinas dahil sa pagsuko kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) upang harapin ang mga kasong crimes against humanity

Sa pagdinig ng Senado, ipinakita niya ang mga video ng pag-aresto kay Duterte pagbalik mula Hong Kong at ang paglipad nito patungong Netherlands.

Tinuligsa niya ang pagsuko ng isang kapwa Pilipino sa dayuhang hukuman, na inihalintulad sa pagtalikod sa isang kapamilya.

Aniya, tila ginawa nang “probinsya” ng The Hague ang Pilipinas.

--Ads--

Binalaan niya na maaaring maulit ito sa iba pang Pilipino at iginiit na hindi lang ito tungkol kay Duterte kundi sa dignidad ng bansa.

Nangako si Marcos na maglalagay ng mga pananggalang kung mapatunayang may mali sa naging proseso ng pag-aresto.

Samanatala, Iginiit ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi kailanman nakipag-usap ang pamahalaan ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC), na naglabas ng warrant of arrest laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pagdinig ng Senado na pinangunahan ni Senador Imee Marcos, binigyang-diin ni Remulla na dahil hindi na kasapi ang Pilipinas sa ICC, anumang ugnayan sa korte ay nananatiling “arms-length.”

Sa kabila ng mga ulat tungkol sa posibleng pakikipagtulungan sa ICC, iginiit ni Remulla na walang direktang komunikasyon na naganap. Gayunpaman, kinilala niya na maaari pa ring makipagtulungan ang Pilipinas sa mga pandaigdigang tribunal ayon sa batas.

Si Duterte, na nagpatigil sa pagiging miyembro ng ICC noong 2019, ay nahaharap sa kasong crimes against humanity dahil sa umano’y extrajudicial killings na nauugnay sa kanyang kampanya kontra droga.

Ayon sa opisyal na tala, mayroong 6,200 napatay mula 2016 hanggang 2021, ngunit ayon sa mga human rights groups, posibleng umabot ito sa 30,000.