Humiling ng pahintulot ang mga abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) upang makapaghain ng apela laban sa desisyon na nagpapatibay sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang war on drugs.
Sa isang 18-pahinang dokumento na may petsang Abril 29, iginiit ng depensa na dapat suriin muli ng hukuman ang umano’y seryosong pagkakamali sa legal na aspeto ng desisyong inilabas ng Pre-Trial Chamber I noong Abril 23, na nagbigay-daan upang umusad ang kaso patungo sa paglilitis.
Nauna nang kinumpirma ng ICC ang lahat ng sakdal laban kay Duterte, matapos makakita ng sapat na batayan upang panagutin siya sa ilang insidente mula pa noong siya ay alkalde ng Davao City hanggang sa kanyang panunungkulan bilang pangulo.
Ayon sa depensa, nagkamali umano ang korte sa paraan ng pagbabalangkas ng mga sakdal, na anila’y naging “maluwag” at nagresulta sa kakulangan ng malinaw na detalye hinggil sa eksaktong kaso laban sa akusado.
Iginiit din ng kampo ni Duterte na umasa ang korte sa mga konsiderasyong wala umanong batayan sa Rome Statute, ang kasunduang nagtatag sa ICC, kabilang ang pagpapalawak ng ebidensya matapos ang confirmation stage.
Dagdag pa rito, kinuwestiyon din ng depensa ang paraan ng pagsusuri ng ebidensya ng korte, na ayon sa kanila ay hindi malinaw na naipaliwanag at hindi umano tinugunan ang mahahalagang argumento ng depensa, tulad ng kawalan ng isang “common plan.”
Ang naturang apela ay bahagi ng susunod na yugto ng proseso sa ICC, kung saan maaaring magpatuloy ang kaso sa paglilitis kung hindi mapipigilan ang desisyon ng Pre-Trial Chamber.










