Idinulog sa Bombo Radyo Cauayan ng ilang nangangambang residente ang umano’y mga sira at nawawalang takip ng manhole sa ilang bahagi ng drainage system sa Brgy. Baluarte, Santiago City.
Ayon sa mga residente, panganib ito sa mga motorista, joggers, siklista, at mga pedestrian lalo na tuwing gabi at madaling-araw kung kailan limitado ang visibility sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Angelito Cupido, residente ng barangay, sinabi nito na may ilang bahagi ng proyekto ang maaaring nabuksan o nasira matapos ang isinagawang konstruksyon. Posible rin umanong may nagnakaw ng ilang materyales kabilang ang mga metal na takip ng drainage system.
Dagdag pa niya, madalas ding tambayan ng ilang kabataan ang lugar kaya lalo umanong delikado ang mga bukas na manhole na maaaring pagmulan ng aksidente.
Ayon sa mga residente, may mga paunang hakbang nang ginagawa ang barangay kabilang ang inspeksyon sa mga apektadong bahagi ng drainage system.
May plano rin umanong magsagawa ng mas mahigpit na monitoring lalo na tuwing gabi upang maiwasan ang aksidente at posibleng pagnanakaw ng mga bahagi ng imprastraktura.
Nanawagan naman ang mga residente sa mga kinauukulang ahensya na agad na magpatupad ng permanenteng solusyon tulad ng paglalagay ng mas matitibay na manhole covers at pagpapalakas ng seguridad sa lugar upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko.
Samantala, kinumpirma ni Barangay Captain Eduardo Dacanay na batid ng barangay ang naturang isyu at tinyak na tutugunan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at sa mga kinauukulang ahensya na nangangasiwa sa proyekto.
Ayon kay Kapitan Dacanay, isinagawa ang pagpapaluwang ng drainage system upang ma-accommodate ang mas malaking volume ng tubig lalo na tuwing malalakas ang pag-ulan at upang makatulong sa pag-iwas sa pagbaha sa lugar.
Dagdag pa ng kapitan, personal na niyang ininspeksyon ang proyekto at tiniyak nito na agad na aaksyunan ang pagpapalit ng mga nawawala o sirang manhole covers gayundin ang pagpapatibay sa mga exposed na bahagi ng drainage system upang maiwasan ang anumang sakuna o aksidente.
Tiniyak din nito ang paglalagay ng CCTV cameras sa lugar upang mas mapalakas ang monitoring at maiwasan ang umano’y pagnanakaw ng mga metal covers at iba pang bahagi ng imprastraktura upang mas maging ligtas para sa mga motorista, nagbibisikleta, joggers, at mga pedestrian lalo na tuwing gabi at madaling araw.
Nanawagan naman si Kapitan Dacanay sa publiko na agad na ireport sa barangay ang anumang sirang bahagi ng drainage system o kahina-hinalang aktibidad upang maagapan ang posibleng aksidente at mapanatili ang kaligtasan ng mga residente.











