Nagtulungan ang mga residente upang apulahin ang sunog na sumiklab sa isang storage area sa Brgy. Minante 1, Cauayan City, na nagresulta sa pagkasunog ng isang kuwarto ng paupahang bahay at pagkasira ng iba’t ibang ari-arian, tanghali nitong Hulyo 3.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Juanito Quiñones, isa sa mga residenteng tumulong sa pag-apula ng apoy, sinabi nito na unang napansin ng kanyang anak ang makapal na usok na nagmumula sa isang bahagi ng bahay. Dahil dito, agad silang rumesponde at nakiisa sa iba pang residente upang pigilan ang pagkalat ng apoy.
Binuksan umano nila ang lahat ng posibleng mapagkukunan ng tubig at sama-samang nagsaboy ng tubig sa nasusunog na lugar.
Sa kabila ng mabilis na pagkalat ng apoy, hindi sila nag-atubiling tumulong kahit ang ilan sa kanila ay bagong lipat lamang sa lugar.
Nang dumating ang mga rumespondeng bumbero, mabilis na naapula ang sunog at napigilan ang tuluyang pagkalat nito sa iba pang kabahayan.
Samantala, sinabi ng may-ari ng bahay na si Ginoong Rolando Lanuza na wala siya sa kanilang tahanan nang mangyari ang insidente. Lubos aniya ang kanyang pasasalamat sa maagap na pagtugon ng mga residente at mga bumbero dahil hindi tuluyang natupok ang kanilang bahay.
Gayunman, malaki pa rin ang pinsalang idinulot ng sunog sa kanilang storage area. Kabilang sa mga nasira ang mga yero, kagamitan sa paggawa ng kolong-kolong, at iba pang nakaimbak na gamit.
Nadamay rin ang isang kuwarto ng paupahan na tinitirhan ng kanyang inaanak, kung saan nasunog ang telebisyon, mga damit, at iba pang personal na gamit.
Ayon kay Lanuza, uunahin nilang linisin ang lugar at makipag-ugnayan sa barangay upang humingi ng tulong habang unti-unti silang bumabangon mula sa insidente.
Posibleng nagmula umano ang sunog sa isang butane na naiwan sa loob ng storage area. Gayunman, patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang eksaktong sanhi at kabuuang halaga ng pinsala.
Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente dahil sa maagap na pagresponde ng mga residente at ng Bureau of Fire Protection (BFP).











