CAUAYAN CITY- Nasawi ang sundalong isa sa mga bayani sa Marawi siege sa naganap na sagupaan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at New People’s Army (NPA) sa barangay Villa Rey, Echague, Isabela.
Ang nasawing si Corporal Adonis Valera, kasapi ng 86th Infantry Battalion ay isang scout ranger at residente ng Pinukpuk, Kalinga
Kabilang din si Corporal Valera sa mga ginawaran ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Gold Cross Medal, ikatlo sa pinakamataas na medalya sa miltar dahil sa pakikipaglaban sa mga terorista sa Lunsod ng Marawi.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Major Noriel Tayaban, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID, sinabi niya na labis ang kalungkutan ng mga sundalo dahil sa pagkasawi ni Corporal Valera.
Ang dalawang nasugatan ay sina Corporal Harold Ganagan, residente ng Kalinga at Fajaro Manuel, residente ng Paracelis, Mt. Province at nakatalaga sa 86th Infantry Battalion at patuloy na nagpapagaling sa isang pribadong ospital sa Lunsod ng Santiago.
Ayon pa kay Major Tayaban, tinatayang nasa 30 na miyembro ng NPA ang nakasagupa ng militar sa Barangay Villa Rey.
Una rito ay nakatanggap sila ng ulat kaugnay sa extortion activities umano ng NPA sa Barangay San Carlos at Madadamian Echague, Isabela kaya nagsagawa sila ng Focus Military Operation sa nasabing lugar.
Bago mag-alas sais ng gabi noong Sabado nang sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng dalawang pangkat at habang mina-maneuver ni Corporal Valera ang direksiyon ng mga rebelde ay doon na siya nabaril na naging sanhi ng kaniyang kamatayan at pagkasugat ng dalawa pang sundalo.











