Nadiskubre ng pinagsanib na pwersa ng kapulisan at militar ang isang tagong imbakan ng mga armas, bala, at kagamitang pampasabog sa Sitio Lucban, Barangay Dibuluan, San Mariano, Isabela, bandang alas-3:00 ng hapon ngayong Hulyo 15.
Bahagi ang operasyon sa isinagawang tatlong araw na minor combat operation ng mga tauhan ng 4th Platoon ng 1st Isabela Provincial Mobile Force Company, katuwang ang Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office, Isabela Provincial Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit, 201st Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2, Regional Intelligence Unit 2, at 95th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Ayon sa mga awtoridad, naging matagumpay ang operasyon sa pamamagitan ng impormasyong ibinigay ng isang dating rebelde na nagbigay ng lokasyon ng pinagtataguan ng mga kagamitan.
Sa isinagawang paghuhukay, narekober mula sa isang nakabaong lalagyan ang isang MK2 fragmentation hand grenade, limang piraso ng 40mm high explosive cartridges, iba’t ibang uri ng 7.62mm ammunition, commercial detonating cord, dalawang improvised anti-tank devices, firing wire, blasting machine, at isang portable generator.
Agad namang isinailalim sa wastong paghawak at pagsusuri ng Isabela Provincial Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit ang mga nakuhang military ordnance at improvised explosive devices upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pinagmulan at posibleng may-ari ng mga narekober na armas at pampasabog.











