Nagbigay-linaw si Punong Barangay Benjie Balauag ng Barangay Tagaran kaugnay sa tarpaulin na may nakapaskil na kaniyang pangalan sa kanilang lugar. Ayon sa kapitan, naniniwala siyang hindi saklaw ng tinatawag na Anti-Epal Law ang naturang tarpaulin dahil umano’y mula ito sa kaniyang sariling bulsa at hindi ginamitan ng pondo ng gobyerno.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ipinaliwanag ni Punong Barangay Balauag na ang layunin lamang ng paglalagay ng tarpaulin ay upang magbigay ng impormasyon sa mga residente, at hindi upang magpakitang-gilas o magpakilala sa publiko. Gayunpaman, iginiit niyang bukas siya sa anumang magiging desisyon ng mga awtoridad kaugnay nito.
Dagdag pa ng Punong Barangay, handa niyang ipatanggal ang nasabing tarpaulin kung mapapatunayang ito ay lumalabag o saklaw ng umiiral na batas. Aniya, susunod siya sa anumang ipatutupad na regulasyon para maiwasan ang isyu o reklamo mula sa publiko.
Samantala, inanunsyo rin ng opisyal na nakatakda nang ipatanggal sa susunod na linggo ang malalaking talahib na matagal nang tumutubo sa gilid ng mga kalsada sa kanilang barangay. Layunin umano nitong mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa lugar, gayundin ang masigurong ligtas ang mga motorista at residente na dumaraan sa naturang mga daan.
Patuloy namang hinihikayat ng barangay ang kooperasyon ng mga mamamayan sa mga ipinatutupad na programa upang mapanatili ang kaayusan at kaunlaran sa kanilang komunidad.











