--Ads--

Tatlong indibidwal ang arestado matapos maaktuhang umano’y gumagamit ng hinihinalang shabu sa loob ng isang hotel sa Barangay Cabaruan, Cauayan City, Isabela bandang alas-10:07 ng gabi nitong Hulyo 15.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek sa kanilang mga alyas na “Lito,” 46-anyos; “Juan,” 30-anyos; at “Pedro,” 36-anyos, na pawang residente ng Alicia, Isabela.

Ayon sa Cauayan Component City Police Station (CCPS), ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y pot session sa isang drive-in hotel sa lugar. Sa isinagawang beripikasyon, nadatnan umano ng mga operatiba ang mga suspek na gumagamit ng hinihinalang shabu kaya agad silang inaresto.

Nasamsam sa operasyon ang tinatayang 1.2 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang ₱8,160 batay sa Standard Drug Price, bukod pa sa iba’t ibang drug paraphernalia.

--Ads--

Matapos ang imbentaryo, dinala ang mga suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa himpilan ng Cauayan City Police Station para sa kaukulang proseso at pagsasampa ng kaso.

Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Sections 11, 12 at 15 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.