Nakasungkit na ng tatlong bronze medal ang Team Philippines sa nagpapatuloy na 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan, habang patuloy ang laban ng mga atletang Pilipino sa iba’t ibang sports.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Bryan Yabut, kabilang sa mga inaabangan sa gymnastics ang magkapatid na Carlos at Eldrew Yulo.
Ayon kay Yabut, nakapagtala si Carlos Yulo ng 14.600 puntos sa floor exercise, bagama’t nagkaroon ng deduction sa kanyang performance sa vault.
Sinabi rin ni Yabut na maayos ang kalagayan ng mga atletang Pilipino at wala namang naitalang injury sa hanay ng delegasyon. Patuloy rin umano nilang ini-enjoy ang kanilang pananatili sa Japan at pagsabak sa mga kompetisyon.
Samantala, naayos na rin ang naging problema sa accommodation ng ilang delegasyon matapos gamitin ang mga hotel bilang tuluyan sa halip na athletes’ village.
Ayon kay Yabut, nagkaroon ng ilang reklamo dahil sa limitadong espasyo ng mga kuwarto at kama. Gayunman, mas pinili umano ng mga atleta at coaches na magpokus sa kanilang mga laban.
Tiniyak naman na maayos ang seguridad sa mga venue sa pamamagitan ng koordinasyon ng mga kinauukulang ahensya sa Japan.
Samantala, sinabi ni Bombo International News Correspondent Hannah Galvez na unang nakapag-uwi ng bronze medal ang women’s soft tennis team noong Setyembre 20.
Nasundan ito ng bronze medal ni Carlos Alvarez sa men’s traditional 77-kilogram division ng mixed martial arts noong Setyembre 21.
Nasa quarterfinals na rin ang Philippine women’s football at women’s basketball teams, habang nagtapos na ang kampanya ng men’s basketball team matapos hindi makausad sa susunod na round.
Ayon kay Galvez, nagsisilbi rin ang Asian Games bilang bahagi ng qualifying pathway para sa ilang sports patungo sa 2028 Olympics.
Samantala, kabilang sa mga hamon sa torneo ang epekto ng malakas na bagyo sa ilang bahagi ng Japan at ang limitadong access ng media sa ilang live events dahil sa exclusive broadcast arrangements at mahigpit na security measures sa mga venue.
Patuloy naman ang pagsabak ng Team Philippines sa iba’t ibang events habang umaasa ang delegasyon na madaragdagan pa ang kanilang mga medalya sa mga susunod na araw ng kompetisyon.











