CAUAYAN CITY – Nagtutulungan ang Highway Patrol Group (HPG) sa Nueva Vizcaya at Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) para matunton ang trailer truck na naglalaman ng 750 sako ng mais na tinangay ng mga suspek sa San Jose City, Nueva Ecija.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Maj. Edwin Gaffud hepe ng HPG sa Nueva Vizcaya na unang ipinabatid sa kanilang tanggapan ng negosyanteng si Mr. Cosme Dela Cruz ng Cajel, Diffun, Quirino na ang kanyang truck na may plakang RFL 569 ay hinayjak ng hindi pa nakilalang suspek.
Aniya, sinamantala ng mga kawatan ang pagkakataong nagpapahinga ang kaniyang driver at mga pahinante na tinutukan ng baril at itinali ang kanilang mga kamay at paa saka piniringan ang mga mata.
Binalot din gamit ang ang mga kumot ang mga pahinante at driver ng trailer truck saka inihulog sa bahagi ng Tarlac kung saan may tumulong sa kanila para maalis ang mga tali sa kanilang mga paa at kamay.
Pagkatapos nito ay nagtungo sila sa himpilan ng pulisya para ipabatid ang nanyari sa kanila at humingi ng tulong upang matunton at mabawi ang hinayjak na truck at mga kargang mais.
Ang trailer truck ay patungo sanang Bulacan upang ibenta ang 750 sako ng mais na nagkakahalaga ng mahigit anim na raang libong piso.