Aabot sa 3,463 transport worker sa Lungsod ng Maynila ang makakatanggap ng fuel subsidy sa darating na Marso 17 bilang tulong sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon sa iskedyul na inilabas ng pamahalaang lungsod, bahagi ito ng assistance program para sa mga transport group na apektado ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
May kabuuang P17,315,000 na pondong ilalaan para sa subsidiya, na ipamamahagi sa apat na lugar.
Sa Patricia Paraiso Sports Complex sa Tondo, makikinabang ang 352 benepisyaryo mula sa District I at II, na may halagang P1,760,000. Sa Barangay 377 Covered Court sa Sta. Cruz, para sa District III, makatatanggap ng tulong ang 937 benepisyaryo na nagkakahalaga ng P4,685,000.
Sa Dakota Covered Court sa Ermita, pagsasamahin ang mga benepisyaryo mula sa District V at Baseco, na may kabuuang 1,073 transport worker at P5,365,000 na subsidiya.
Samantala, sa ASAC Covered Court sa Sta. Mesa, makikinabang ang mga mula sa District IV at VI, na may 1,101 benepisyaryo at pondong P5,505,000.











