--Ads--

Arestado ang tatlong lalaki matapos mahuling nagbibiyahe ng ilegal na kahoy sakay ng isang truck habang dumaraan sa anti-criminality checkpoint sa Maharlika Highway, Purok 6, Brgy. Sinsayon, Santiago City.

‎Kinilala ng mga awtoridad ang mga suspek sa kanilang mga alyas na “Toto,” “Gelo,” at “Josh,” na pawang residente ng Tuguegarao City, Cagayan.

‎Ayon sa ulat ng Santiago City Police Office, pinara ng mga tauhan ng 1st Platoon, Sinsayon Patrol Base, ang isang Isuzu Forward truck na may kargang assorted lumber habang dumaraan sa checkpoint operation.

‎Sa isinagawang inspeksyon, nabigo umano ang mga suspek na magpakita ng legal na permit at transport documents para sa kanilang kargamento dahilan upang sila ay arestuhin dahil sa paglabag sa Presidential Decree 705 o Forestry Code of the Philippines.

‎Batay sa isinagawang inventory ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) San Isidro, Isabela, umabot sa 283.5 board feet ng mga kahoy na Guijo at Lauan ang nakumpiska na may tinatayang halagang P17,010.

‎Kumpiskado rin ng mga awtoridad ang Isuzu Forward truck na ginamit umano sa pagbibiyahe ng ilegal na kahoy.

‎Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanila.

‎Samantala, muling pinaalalahanan ng Santiago City Police Office ang publiko na sumunod sa umiiral na batas pangkalikasan at makiisa sa kampanya laban sa illegal logging at iligal na transportasyon ng forest products.