--Ads--

Arestado ang isang 52-anyos na magsasaka matapos mahulihan ng mahigit P8,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Divisoria, Santiago City.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek sa alyas na “Ben,” residente ng Isabela. Siya ay naaresto sa pinagsanib na operasyon ng City Intelligence Unit (CIU), Police Station 1, Police Station 4 ng Santiago City Police Office, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Quirino Provincial Office.

Batay sa ulat, nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang 1.2 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na P8,160. Narekober din ang buy-bust money, isang cellular phone, at isang motorsiklo na hinihinalang ginamit sa ilegal na transaksyon.

Agad na minarkahan at isinailalim sa imbentaryo ang mga nakuhang ebidensya sa presensya ng mga kinatawan mula sa National Prosecution Service at isang opisyal ng barangay upang matiyak ang integridad at wastong paghawak sa mga ito.

--Ads--

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, muling iginiit ng Santiago City Police Office ang patuloy nitong pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga bilang bahagi ng layunin nitong mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng mga mamamayan sa lungsod.