--Ads--

Umabot na sa apat ang nasawi habang 22 ang sugatan matapos hagupitin ng Typhoon Dujuan ang ilang bahagi ng Japan, na nagdulot ng matinding pag-ulan, pagbaha at pagguho ng lupa.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Hannah Galvez sa Japan, ilan sa mga nasawi ay nalunod, habang kritikal naman ang isang indibidwal matapos mahulog sa gilid ng ilog ang sinasakyang sasakyan.

Aniya, anim na katao pa ang nawawala at patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad matapos ang mga landslide na dulot ng malakas na pag-ulan.

Sinabi pa ni Galvez na mahigit dalawang milyong residente ang lumikas noong gabi ng Setyembre 21 dahil sa banta ng pagbaha at pagguho ng lupa.

--Ads--

Matindi rin ang naging epekto ng bagyo sa transportasyon, kung saan maraming flights ang nakansela o naantala, habang naapektuhan ang mga railway, highway at underpass.

Samantala,naapektuhan din ang ilang aktibidad kaugnay ng 2026 Asian Games, habang maagang isinara sa Tokyo ang isang malaking video game trade fair dahil sa masamang panahon.

Samantala, mahigit 50,000 kabahayan sa Chiba ang wala pa ring kuryente, habang higit 460 bahay ang naiulat na nasira.