--Ads--

Nakatakdang magpataw si Pangulong Donald Trump ng bagong taripa laban sa mga pharmaceutical companies na hindi nakipagkasundo na direktang ibenta ang kanilang mga gamot sa mga mamimili, bilang bahagi ng kanyang “Most Favored Nation” pricing initiative.

Batay sa draft order , ang mga patented drugs at kanilang active ingredients na inaangkat mula sa ibang bansa ay tatamaan ng 100% tariff. Gayunpaman, may mga probisyon upang mabawasan o maiwasan ang mabigat na buwis kung makikipagkasundo ang mga kumpanya sa administrasyon o ililipat ang kanilang produksyon sa loob ng Estados Unidos.

Hindi pa pinal ang draft order at maaari pang magbago, ngunit inaasahang ilulunsad ito ni Trump sa Huwebes ng hapon. Ang White House ay hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag hinggil dito.

Ang bagong taripa ay bahagi ng pangako ni Trump na muling buuin ang kanyang agresibong trade strategy, matapos ideklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema ang ilan sa kanyang malalaking taripa noong Pebrero.

--Ads--

Sa kasalukuyan, nakipagkasundo na ang administrasyon sa mahigit isang dosenang kumpanya upang direktang ibenta ang ilang piling gamot sa mga mamimili. Subalit limitado pa lamang ang saklaw ng inisyatiba, at karamihan sa mga gamot ay may mas murang generic alternatives.

Ayon sa draft order, maaaring makabawas ang mga kumpanya sa taripa hanggang 20% sa loob ng apat na taon kung ililipat nila ang produksyon sa US, ngunit muling tataas sa 100% pagsapit ng 2030.