Iniulat na binuhay ng Iran ang mga underground facility na tinatawag nitong “missile cities” bilang bahagi ng hakbang upang maprotektahan ang missile arsenal at kakayahan nitong maglunsad ng mga pag-atake sa gitna ng banta ng panibagong airstrikes.
Matatagpuan ang mga pasilidad sa kailaliman ng mga kabundukan at naglalaman ng mga imbakan ng missile, launch systems at iba pang imprastraktura. Ilang beses nang ipinakita ng Iran sa publiko ang ilan sa mga naturang underground complex sa nakalipas na mga taon.
Ayon sa mga ulat, idinisenyo ang mga pasilidad upang maging mas mahirap matukoy at mapinsala ng mga conventional airstrike at maging ng mga bunker-penetrating weapons.
Gayunman, ipinakita ng mga naunang pag-atake na hindi ganap na ligtas sa pinsala ang mga pasilidad kahit pa nakatago sa ilalim ng lupa.
Sa pamamagitan ng pag-activate sa mga underground missile facility, maaari umanong maikalat at maprotektahan ng Iran ang kanilang mga missile forces habang nananatiling may kakayahang maglunsad ng pag-atake sa panahon ng matinding air attacks.











