Inaasahang magiging “very interesting” ang pagtalakay ng House prosecution sa alegasyon ng unexplained wealth laban kay Vice President Sara Duterte, dahil sa dami ng documentary evidence na ilalahad laban sa kanya at sa kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Ayon kay impeachment team adviser at spokesperson Ace Barbers, malaking bahagi ng ebidensya sa Article II ay mga dokumentong may kaugnayan sa yaman at mga financial record ng mag-asawa.
Sinabi ni Barbers na dapat bantayan ng publiko ang paglalahad ng prosecution, dahil mahalagang maging transparent at accountable ang mga opisyal ng gobyerno, lalo na sa paggamit ng pondo ng bayan.
Noong nakaraang linggo, nakatanggap ang prosecution ng mga rekord mula sa mga bangko at Bureau of Internal Revenue na may kaugnayan kina Duterte, Carpio at mga kumpanyang konektado sa kanila.
Susuriin ang mga ito kasama ng kanilang tax records, Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs), at mga rekord mula sa Anti-Money Laundering Council.
Sa Article II, inaakusahan si Duterte ng betrayal of public trust dahil umano sa pagkakaroon ng yamang hindi tugma sa kanyang lehitimong kita at hindi ganap na pagdedeklara ng kanyang mga ari-arian sa SALNs. Ang mga alegasyon ay kailangan pang patunayan sa Senate impeachment court.
Ayon kay lead prosecutor Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, uunahin ng prosecution ang Article II matapos makumpleto ang paglalahad nito sa Article I tungkol sa umano’y maling paggamit at liquidation ng P612.5 milyong confidential funds.
Ang bribery charge naman ang itutuloy ng prosecution sa huling bahagi ng paglilitis.











