
CAUAYAN CITY – Nasa ligtas nang kalagayan ang isang lalaki na inanod ng baha kasabay ng isang bahay sa Daragutan East, San Mariano, Isabela.
Matatandaang una nang napaulat sa Bombo Radyo Cauayan ang pagkaanod ng nasabing lalaki na nakuhanan pa ng video sa barangay Dipusu ng nasabi ring bayan.
Kinilala ang naturang lalaki na si Mario Lucas, 52-anyos, residente ng Sitio Badbad, Brgy. Daragutan East, San Mariano, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Staff Sargeant Rogelio Ignacio Jr., imbestigador ng PNP San Mariano, sinabi niya na pumunta ang biktima sa ilog upang manguha ng kahoy na inaanod ng baha at nang makita ang naaanod na bubong ay nilangoy niya ito upang isalba.
Dahil dito ay kasama siya sa inanod na umabot pa sa Brgy. San Pedro bago narescue ng mga kasapi ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).










