Binatikos ni Vice President Sara Duterte ang tangkang pagsisilbi ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.
Giit ng Bise Presidente, ang anumang warrant na galing sa ibang bansa ay dapat munang dumaan at iprisenta sa mga lokal na korte sa Pilipinas bago ito ipatupad.
Ginawa ni Duterte ang pahayag sa isang panayam sa The Hague, Netherlands, habang dinadalaw ang kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakadetine.
Ayon pa sa kanya, hindi tama ang naging proseso laban sa Senador, at inihalintulad niya ito sa naging pag-aresto sa kanyang ama na kalaunan ay dinala rin sa The Hague.
Matatandaang noong Marso 2025, isinilbi ang ICC warrant laban sa dating Pangulo bago ito inaresto sa Villamor Air Base at dinala sa Netherlands.
Samantala, tumanggi si Duterte na magbigay ng pahayag hinggil sa usapin ng pagbabago ng liderato sa Senado, at iginiit na ito ay nasa desisyon na ng mga senador.











