
CAUAYAN CITY – Umaabot sa mahigit limampu’t walong libo ang waitlisted o left out beneficiaries ng Social Amelioration Program (SAP) sa ikalawang rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gng. Jeaneth Lozano, tagapagsalita ng DSWD Region 2, sinabi niya na nasa 58,066 na pamilya sa rehiyon ang mapapabilang sa left out beneficiaries ng SAP.
Gayunman ay hindi pa ito pinal dahil kasalukuyan pa rin ang ginagawa nilang deduplication.
Aniya, hindi lamang ang listahan ng waitlisted ang kanilang tinitignan dahil kailangan ding kumpleto ang listahan ng mga kasama sa unang tranche.
Kaugnay nito, binigyan na lamang ng DSWD region 2 ang mga local government units (LGUs) nang hanggang kagabi para isumite ang kumpletong listahan ng mga benepisaryo ng unang tranche sa kanilang lugar.
Tiniyak naman nito na hindi na ito magtatagal dahil hinihintay na lamang nila ang SAP forms lalo na at ang pagbibigay na ng benepisaryo ay sa pamamagitan ng digital at non-digital.
Ayon kay Lozano, sa digital ay hiningan nila ng cellphone number ang mga waitlisted beneficiaries at kapag may natanggap ng text message na nagsasabing handa na ang kanilang benepisaryo ay maari na silang magtungo sa naitalagang bayad center sa kanilang lugar.
Magdala lamang ng valid IDs at SAP forms para maberipika kung sila talaga ang nasa listahan.
Sa mga wala namang cellphone number ay ang DSWD na ang magsasagawa ng payout sa tulong na rin ng mga LGUs.
Aniya, pinakamabilis na paraan ang digital dahil hindi na kailangan ng maraming manpower at mas mapagtutuunan na rin ng pansin ang mga lugar na mahirap puntahan.
Nasa 8,000 lamang naman aniya ang kailangan nilang i-cash payout.
Sa ngayon ay nasa 70% hanggang 80% na ang ginagawa nilang deduplication subalit ito ay partial lamang dahil hindi pa kumpleto ang SAP forms sa unang tranche.









