--Ads--

CAUAYAN CITY- Timbog sa ikinasang anti-illegal drug buybust operation ang isang x-ray technician matapos maaktohang nagtutulak ng illegal na droga sa Brgy. District 3, Cauayan City.

Ang pinaghihinalaan ay itinago sa alyas na Tor, 44-anyos, na residente ng San Fermin Cauayan City.

Nakumpiska mula sa kanyang pag-iingat ang isang sachet ng white cristalline substance na hinihinalang shabu, 1,000 pesos buybust money, cellphone, at motorsiklo na ginamit sa transaksyon.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa suspek na hindi na nagpa tape interview, itinanggi niyang pagmamay-ari niya ang drogang nasamsam sa kanya dahil nagbago na siya matapos makulong ng dalawang taon sa kaparehong krimen.

--Ads--

Sapat naman aniya ang kanyang kinikita bilang isang X-Ray technician kaya hindi niya magagawang magbenta ng illegal na droga lalo pa at wala naman siyang binubuhay na pamilya.

Sa nakuha namang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, matagal na umanong minamanmanan ang suspek at ilang beses din nilang tinunton ang kinaroroonan niya.

Sa ngayon, ang suspek maging ang mga nakumpiskang ebidensya ay nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station para sa pag proseso ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.