Nasamsam ng mga kapulisan ang 455 reams ng smuggles cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng ₱295,750 sa isang buy-bust operation sa Barangay Rogus, Cauayan City.
Naaresto sa operasyon ang isang 30-anyos na lalaki na kinilalang si alyas “Jimmy,” residente ng Barangay De Vera, Cauayan City.
Isinagawa ang operasyon bandang alas-12:40 ng tanghali nitong Setyembre 12 sa isang tindahan sa Purok 1, Barangay Rogus.
Nakabili ang mga operatiba ng Cauayan City Police Station ng isang ream ng Bon International Nise Red sa halagang ₱1,000 gamit ang ₱500 tunay na pera at ₱500 boodle money.
Sa isinagawang transaksyon, nakita rin ng mga pulis ang malaking bilang ng iba’t ibang uri ng sigarilyo na walang wastong tax stamps at kaukulang dokumento bilang patunay ng pagbabayad ng buwis.
Kabilang sa mga nakumpiska ang Bon International Nise Red, Black Hawk Black Menthol American Blend, Marshal Green Menthol 100’s, Bravo Finest American Tobacco, Red at Blue Nise Baisha, RGD Menthol 100’s, Modern 100 Black Menthol at Goldenleaf Filter Cigarettes.
Dinala ang mga nakumpiskang sigarilyo sa BIR Region 2 para sa pagsusuri at pagtatasa ng kaukulang duties at excise taxes.
Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek sa ilalim ng Section 263 ng National Internal Revenue Code of 1997, o RA 8424, at iba pang naaangkop na batas.
Ayon kay PCOL Manuel Bayani Bringas, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office, bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa ilegal at hindi nabubuwisang mga produkto.
Patuloy aniya ang intelligence-driven operations at koordinasyon sa mga katuwang na ahensya upang maprotektahan ang lehitimong negosyo at kita ng pamahalaan.











