Pinag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapataw ng karagdagang taripa sa ilang imported na bigas mula sa mga pangunahing supplier ng bansa upang maprotektahan ang lokal na industriya ng palay at bigas.
Ayon sa DA Policy Research Service-Trade Remedies Office (PRS-TRO), inirekomenda nito ang pansamantalang pagtaas ng taripa ng hindi bababa sa 13 percentage points sa semi-milled at wholly milled rice na inaangkat mula sa Vietnam, Thailand, Pakistan, at Myanmar.
Batay sa paunang imbestigasyon, natuklasan ng ahensya na ang pagdami ng imported na bigas ay nagdulot ng seryosong epekto sa lokal na sektor ng agrikultura, kabilang ang pagbaba ng bahagi nito sa merkado at farmgate prices ng mga magsasaka.
Sa kasalukuyan, 15 porsiyento ang taripa sa imported na bigas. Kapag naaprubahan ang panukala, maaari itong umabot sa mahigit 28 porsiyento.
Nasa Tariff Commission na ang susunod na pag-aaral at pagdinig upang matukoy kung kinakailangan ang pagpapatupad ng safeguard duty.










