--Ads--

Isang katao ang nasawi habang dalawa ang malubhang nasugatan matapos umatake gamit ang espada ang isang 18-anyos sa Brinell School sa Fagersta, Sweden nitong Biyernes.

Agad na naaresto ng mga pulis ang suspek matapos ang insidente na naganap habang may klase at nasa 400 hanggang 500 estudyante sa paaralan.

Ayon kay Police Chief Tommy Alriksson, nagpaputok ng baril ang mga pulis sa pag-aresto sa suspek. Hindi pa malinaw kung nasugatan ito, ngunit nananatili itong nakakulong.

Ang dalawang sugatan ay mga batang lalaki na edad 12 hanggang 17, ayon sa TT news agency. Hindi pa inilabas ang detalye tungkol sa nasawi.

--Ads--

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente, kabilang ang motibo ng suspek. Wala rin umanong indikasyon na may iba pang sangkot sa pag-atake.

Samantala, ilang kalapit na paaralan ang isinailalim sa lockdown at nagpatupad ng roadblocks sa lugar. Nagtayo rin ang lokal na pamahalaan ng crisis center para sa mga naapektuhan ng insidente.