CAUAYAN CITY- Patay ang isang lalaki habang sugutan ang isa pa matapos salpukin ng isang kotse ang isang motorsiklo sa bahagi ng Barangay Abra, Santiago City.
Kinilala ang nasawi na si Paul Molina Fronda habang sugatan naman ang angkas nito na kanyang kapatid na si Herbert Fronda, 20 anyos at kapwa mga residente ng Barangay Villa Marso, Cordon, Isabela.
Habang kinilala naman ang tsuper ng kotse na si Maria Luisa Isabelle Salcedo, 19 anyos na residente ng Barangay Pagrang-ayan, Ramon, Isabela.
Batay sa mga impormsyong nakalap ng Bombo Radyo Cauayan, parehong binabaybay ng dalawang sasakyan ang city road sa magkasalungat na direksyon kung saan patungo sa Barangay Cabulay ang kotse habang ang motorsiklo ay patungo naman sa Barangay Ambalatungan.
Nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente umagaw umano sa linya ang kotse at aksidente nitong nabangga ang motorsiklo.
Nahulog sa palayan ang sedan habang nakaladkad sa kalsada ang motorsiklo sa humigit-kumulang tatlumpung metro.
Bilang resulta, nagtamo ng malubhang sugat sa katawan ang tsuper ng motorsiklo at kalauna’y idineklarang patay ng doktor habang patuloy na inoobserbahan sa pagamutan ang kapatid nito na nagtamo ng sugat sa hita.
Nagkasundo naman ang dalawang panig kung saan sasagutin ng magulang ng 19 anyos na dalaga ang gastusin sa ospital ng magkapatid at ang pagpapalibing sa namatay na biktima.