Isang Singaporean at apat na Chinese nationals ang hinuli ng Bureau of Immigration Isabela dahil sa overstaying.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Alien Control Officer Larry Tumaliuan ng Bureau of Immigration Isabela, ang limang indibidwal ay nasa manila na at kasalukuyang nakapiit bago ideport sa kani-kanilang bansa
Ang mga nahuli ay base sa pagtutulungan ng intelligence section ng opisina na nagmomonitor sa mga banyagang naninirahan sa bansa ng lagpas sa nakatakda nilang pamamalagi.
Aniya ang inarestong limang indibidwal ay bunga ng kanilang naging operasyon sa unang anim na buwan ngayong taon.
Matapos mahuli ng mga ito ay agad silang dinala sa Maynila para doon ay litisin sa kasong administratibo dahil sa overstaying.
Samantala, nanawagan naman ang Bureau of Immigration sa publiko na ipabatid sa kanila kung may nakikitang mga dayuhan na hindi kumpleto ang dokumento o kaya ay lagpas na ang pamamalagi sa lalawigan.
Sa ganitong paraan ay makakatulong ang publiko upang maipatupad ang batas lalo na sa mga dayuhang hindi sumusunod sa batas.