--Ads--

Patuloy ang search and rescue operations ng mga volunteer sa Tunisia para sa dalawang migrante na nawawala matapos lumubog ang bangkang may sakay na 15 katao sa karagatan sa timog-silangang bahagi ng bansa.

Ayon sa Tunisian National Guard, 12 bangkay na ang narekober habang isa lamang ang nakaligtas matapos maanod nang halos 48 oras bago nasagip ng isang commercial vessel. Pinaniniwalaang patungo sa Italy ang mga migrante nang lumubog ang bangka, may 26 kilometro mula sa baybayin ng Zarzis.

Karamihan sa mga sakay ay mga residente ng Ben Guerdane, na sinundan ng matinding pagdadalamhati at protesta. Nagsunog ng gulong at nagbarikada sa mga kalsada ang ilang residente, habang nananawagan ng mas maayos na kabuhayan at oportunidad para sa mga kabataan.

Iginiit ng mga nagprotesta na ang kawalan ng trabaho at oportunidad ang nagtutulak sa ilang kabataan na sumuong sa mapanganib na paglalakbay patungong Europe.

--Ads--