--Ads--

Nakapagtala ng 12 vehicular accidents ang Traffic Enforcement Unit (TEU)  sa Santiago City nitong nakalipas na Holy Week, kung saan karamihan ay minor incidents at nagresulta sa pinsala sa ari-arian at bahagyang injury.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay PMaj. Melchor Acosta Aggabao Jr., Acting Chief ng TEU, sinabi nito na ang mga insidente ay pangunahing naganap sa mga inner barangays at hindi sa mga pangunahing kalsada ng lungsod.

‎Ayon kay PMaj. Aggabao, kabilang sa mga naitalang kaso ang reckless imprudence, self-imposed o self-accidents, at ilang banggaan na dulot ng maling pagmaniobra ng mga sasakyan.

‎Ipinaliwanag din ng opisyal na ang bawat aksidente ay maaaring magresulta sa higit sa isang kaso, gaya ng physical injury at damage to property, kaya umabot sa 12 krimen ang naitala mula sa 12 insidente.

--Ads--

‎Sa kabila nito, inilarawan ng TEU ang kabuuang sitwasyon bilang maayos at mapayapa ang kanilang deployment sa buong Semana Santa.

Gayunman, magsisilbing baseline ang naturang bilang upang mas mapagtuunan ng pansin ang mga inner barangays.

‎Nakaplano rin ang mas pinaigting na koordinasyon sa mga opisyal ng barangay upang mapabuti ang pagpapatupad ng traffic rules at maiwasan ang aksidente sa hinaharap.

‎Pinaalalahanan ng Traffic Enforcement Unit ang mga motorista na sumunod sa itinakdang speed limits, maging mapagmatyag lalo na sa masisikip at residential na lugar, at tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan bago bumiyahe, kasabay ng pag-iwas sa distracted driving gaya ng paggamit ng cellphone habang nagmamaneho at pag-iingat sa pagliko o pagmaniobra upang maiwasan ang self-accidents, habang hinihikayat din ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at sumunod sa umiiral na batas-trapiko upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat sa kalsada.