
CAUAYAN CITY – Aalis na ngayong buwan ng Hunyo ang labinlimang magsasaka sa Cauayan City na kabilang sa Farmers Internship Program ng pamahalaang panlalawigan sa South Korea.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Agriculture Officer Engr. Ricardo Alonzo, sinabi niya na ang pang-anim na batch ay 80 magsasaka sa Isabela ang napabilang sa farmers internship program at 15 sa kanila ang mula sa Cauayan City.
Kahapon ay nagpunta ang mga magsasaka sa City Agriculture Office kasama ang mga opisyal ng barangay dahil sila ang magpapatunay kung actual farmers talaga sila sa kanilang mga barangay.
Ayon kay Engr. Alonzo, pinaalalahan nila ang lahat ng mga magsasaka na magtrabaho ng mabuti at magseryoso at huwag pumunta sa ibang kumpanya para hindi masira ang tiwala sa kanila gayundin na para makabalik muli sila pagkatapos ng limang buwan na pagtatrabaho.
Ang mga naturang magsasaka ay magtatrabaho sa ilang farm sa bansang South Korea tulad ng greenhouse, apple farm at fisheries.
Ang basic pay nila ay P35,000 maliban pa kung mayroon silang overtime gayunman ay sila ang magbabayad ng kanilang plane ticket.
Bago naman sila aalis ay mayroon silang pipirmahang guarantee letter para masiguradong hindi sila magloloko.










