--Ads--

Kinumpirma ni Acting Senate President at Senate President Pro Tempore Win Gatchalian na kinakailangan ang 16 boto ng mga senador upang mahatulan si Vice President Sara Duterte sa nakatakdang impeachment trial sa Senado.

Ayon kay Gatchalian, malinaw sa Konstitusyon, partikular sa Article XI, Section 3(6) ng 1987 Constitution, na kailangan ang pagsang-ayon ng dalawang-katlo ng kabuuang bilang ng mga senador bago makapaglabas ng hatol na conviction sa isang impeachment case.

Ipinaliwanag niya na dahil fixed sa 24 ang membership ng Senado, hindi nagbabago ang requirement na 16 boto kahit pa mag-iba ang dami ng dumadalo o ang political alignment sa loob ng impeachment court.

Sa kasalukuyang kalagayan ng Senado, 12 senador ang kabilang sa kanyang grupo habang 10 naman ang nasa kampo ni Senator Alan Peter Cayetano. Hindi naman kabilang sa dalawang panig sina Senator Jinggoy Estrada at Senator Ronald “Bato” dela Rosa.

--Ads--

Itinakda ng Senate impeachment court ang pre-trial conference sa Hunyo 18, habang inaatasan ang magkabilang panig na magsumite ng pre-trial briefs bago ang Hunyo 15 bilang paghahanda sa paglilitis.

Nakatakda namang magsimula ang trial proper sa Hulyo 6, 2026.

Binanggit din ni Gatchalian na posibleng gumanap ng mahalagang papel sa proseso ang ilang abogado-senador, kabilang sina Senator Francis “Kiko” Pangilinan at Senator Francis “Chiz” Escudero, dahil sa kanilang legal na background.

Gayunman, nilinaw niya na sa ilalim ng umiiral na Senate rules, ang Senate President pa rin ang dapat mamuno sa impeachment proceedings maliban kung ang Pangulo ng Pilipinas ang siyang nililitis. Sa kanyang kapasidad bilang Acting Senate President, sinabi niyang inaasahan niyang siya ang mangunguna sa pagdinig ng kaso laban sa Bise Presidente.