--Ads--

Sumasailalim sa dalawang araw na training ang mga bagong guro na siyang nagsisillbi ring ARAL Tutors ng Schools Division Office of Cauayan upang mas mapahusay ang kanilang kakayahan sa pagtuturo ng mga mag-aaral na nangangailangan ng karagdagang gabay sa pagbasa at matematika.

Ayon kay SDO Cauayan Division Information Officer Gemma Bala sinabi niya na dalawang araw isinasagawa ang naturang training, na layuning ihanda ang mga tutor bago magsimula ang kanilang mas tutok na pagtuturo sa mga mag-aaral sa ikalawang termino ng school year.

Nakatuon ang pagsasanay sa dalawang grupo ng tutors—ang ARAL Reading Tutors at ARAL Math Tutors.

Kabilang sa mga kalahok ang mga guro na nagtuturo sa Grades 2 at 4, gayundin ang ilang nakahawak sa Grade 1 learners.

--Ads--

Mahalaga aniya ang pagsasanay upang matiyak na sapat ang kaalaman at kasanayan ng mga tutor sa pagbibigay ng remedial instruction sa mga batang nangangailangan ng karagdagang tulong upang makahabol sa kanilang grade level.

Bagama’t wala namang nakikitang malaking problema sa pagtuturo ng mga ARAL Tutors, sinabi ni Mapala na patuloy ang training dahil hindi pa lahat ng tutors ay nakapagsasanay.

Ikalawang taon na ngayon ng pagpapatupad ng ARAL Program sa kanilang division. Noong nakaraang taon ay nakatuon lamang ito sa ARAL Reading, habang ngayong school year ay kasama na rin ang ARAL Math. Inaasahan ding madadagdagan pa ito ng ARAL Science sa mga susunod na panahon.

Samantala, aminado ang SDO Cauayan na mayroon nang improvement sa literacy at numeracy performance ng mga mag-aaral, ngunit marami pa ring kailangang gawin upang higit na maiangat ang kanilang learning outcomes.

Kabilang din sa mga binigyang-diin ang tamang paggamit ng artificial intelligence o AI sa edukasyon.

Ayon kay Information Officer Bala, may mga alituntunin ang Department of Education tungkol sa paggamit ng AI, partikular sa lesson planning. Gayunman, hindi dapat maging kapalit ng aktuwal na pagtuturo ng guro ang teknolohiya.

Patuloy aniyang sinusuri at ine-evaluate ang mga mag-aaral upang matiyak na tunay nilang natututunan ang mga kinakailangang competencies at hindi lamang umaasa sa AI.

Bukod dito, binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kaligtasan ng mga mag-aaral.