--Ads--

CAUAYAN CITY – Kahanga hanga ang ipinamalas na katapatan ng dalawang estudyante matapos nilang maisauli ang napulot nilang limampung libong pisong halaga ng pera sa Bontoc Mt. Province.

Inihayag ni Ginang Vernice Cuteng  isang Grade 8 teacher na napulot nina Troy Chumapoy, Grade 8 student at Christopher Sigua, Grade 9 student ang wallet na naglalaman ng malaking halaga ng pera na pag-aari ni Shirlene Mang-usan na isang nurse.

Aniya bagamat walang nakakita sa mga estudyante nang mapulot nila ang pitaka ay nagawa nila itong maisauli sa may-ari.

Ang ipinamalas ng mga estudyante ay repleksyon kung paano silang pinalaki at naturuan ng tama ng kanilang mga magulang maliban na kapwa din naman silang may magandang record sa paaralan.

--Ads--

Batay sa mga estudyante nagulat sila nang makita nila ang napakalaking halaga ng pera sa loob ng pitaka.

Nakita naman nila ang isang babaeng nakasakay sa motorsiklo at nakabukas ang bag kaya sinubukan nila itong habulin subalit nang hindi nila maabutan kaya minabuti nilang tawagan ang numerong nasa loob ng pitaka.

Personal namang nagtungo sa paaralan ang may-ari ng pitaka na para pasalamatan ang dalawang estudyante.

Batay sa may-ari ng pitaka, kasalukuyan silang nagpapagawa ng bahay at ang pera ay gagamitin sana sa pagbili ng materyales.

Dahil sa katapatan ng mga estudyante ay labis na natuwa ang mga guro dahil naging bahagi sila sa paghubog sa kanilang mabuting pag-uugali.