--Ads--

Dalawang suspek ang matagumpay na naaresto ng Tumauini Police Station sa pinaigting na operasyon laban sa cattle rustling sa kanilang nasasakupan.

Isinagawa ang operasyon kasunod ng sunod-sunod na ulat ng pagnanakaw ng mga baka, kabilang ang pagnanakaw at pagkatay sa alagang baka sa ibat-ibang barangay ng Tumauini.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao Jr., Chief of Police ng Tumauini Police Station, sinabi niya na kanilang pinaigting ang 24-oras na pagpapatrolya, pinalakas ang intelligence gathering, at higit pang pinagtibay ang koordinasyon sa pagitan ng kapulisan at komunidad upang matukoy at mahuli ang mga salarin.

Bukod sa pagkakaaresto sa dalawang suspek, matagumpay ding narekober ng mga awtoridad ang isang nakaw na baka. Kasalukuyan pa namang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Presidential Decree No. 533 o ang Anti-Cattle Rustling Law laban sa mga naarestong indibidwal.

--Ads--

Ayon kay PMaj. Aggabao, ang modus operandi ng mga suspek ay ilipat ang mga ninakaw na baka sa mga liblib at hindi mataong lugar kung saan ito kinakatay. Hindi umano kinukuha ang buong bahagi ng hayop kundi pinipili lamang ang mga bahaging may laman at iniiwan ang mga buto upang mapadali ang kanilang pagtakas.

Dagdag pa niya, may posibilidad na ang mga suspek ay bahagi ng isang organisadong grupo, bagamat patuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy kung may mas malaking sindikato sa likod ng mga insidente.

Pinayuhan naman ng pulisya ang mga nag-aalaga ng baka at kalabaw na pansamantalang iuwi o ilagay sa mas ligtas at nababantayang lugar ang kanilang mga alaga tuwing gabi upang makaiwas sa panibagong insidente ng pagnanakaw.

Tiniyak din ng hepe ng pulisya na lalo pang paiigtingin ang seguridad sa pamamagitan ng paglalagay ng mga checkpoint sa bawat barangay upang mabantayan at mamonitor ang mga pumapasok at lumalabas na indibidwal at sasakyan.

Nakikipag-ugnayan na rin ang Tumauini Police Station sa mga karatig na himpilan ng pulisya upang mapabilis ang pagtugon at pagsasagawa ng mga operasyon laban sa cattle rustling, bilang bahagi ng mas malawak na kampanya upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lalawigan.