CAUAYAN CITY – Nasugatan ang dalawang katao matapos ang pag-araro ng isang truck sa mga nakalatag na pwesto sa Calitlitan, Aritao.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office kinilala ang tsuper ng truck na si Neil, limamput apat na taong gulang na residente ng Mayapyap Norte, Cabanatuan City.
Ang mga biktima na sina Remelyn, dalawamput siyam na taong gulang at Thea, dalawamput limang taong gulang, kapwa saleslady at mga residente ng Calitlitan Aritao Nueva Vizcaya.
Sa pagsisiyasat ng mga otoridad, binabaybay ng truck ang pambansang lansangan pahilagang direksyon nang bigla umanong mawalan ng kontrol sa manibela ang driver nito.
Dahil dito, nasagasaan ng truck ang mga nakalatag na tindahan sa gilid ng daan kabilang na ang dalawang biktima.
Agad namang nadala sa MHO Aritao ang mga biktima na nagtamo ng malalang sugat sa ibat ibang bahagi ng kanilang katawan.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari at ang tsuper ay nasa pangangalaga na ng Aritao Police Station.











