
CAUAYAN CITY – Dalawang matataas na kalibre ng baril na pag-aari ng mga New People’s Army (NPA) ang naipasakamay sa 86th Infantry Battalion, Philippine Army dahil sa pakikipagtulungan ng mga mamamayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Sgt. Benjie Maribbay ng 86th Infantry Battalion, Philippine Army na naipasakamay sa militar ang mga naturang baril dahil sa ibinigay na impormasyon ng mga mamamayan sa mga sundalong nagsasagawa ng community support program (CSP) sa isang barangay sa bulubunduking bahagi ng Kasibu, Nueva Vizcaya.
Aniya, 2018 pa ng iniwan ang mga ito ng mga miyembro ng Platoon Dos of Regional Sentro De Gravidad o RSDG na kumikilos sa mga lalawigan ng Quirino at Nueva Vizcaya.
Una rito ay mayroon ng mga natatanggap na impormasyon ang militar na nagkakaroon ng presensya ng NPA sa naturang lugar kaya nagsagawa ng pagpapatrol ang mga sundalo.
Nagpapasalamat naman sila sa mga mamamayan dahil sa patuloy na kanilang pakikipagtulungan sa kanila.










