--Ads--

Nasugatan ang dalawang menor de edad matapos ang banggaan ng kolong-kolong at motorsiklo sa Municipal Road na bahagi ng Brgy. Villaluz, Benito Soliven, Isabela.

Kinilala ang tsuper ng Rusi 175 na kolong-kolong na si Joan Agbuis, may asawa, magsasaka at residente ng Purok 3, Brgy. Magsaysay, Benito Soliven Isabela habang ang tsuper ng Rusi 125 na motorsiklo ay isang 15-taong gulang na binatilyo, grade 9 student at backrider nito na 16-taong gulang, grade 10 student at pawang residente ng Purok 1, Brgy. Andabuen, Benito Soliven, Isabela.

Batay sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ng pulisya, 8:00AM ngayong April 3, 2025 nang kasalukuyang binabagtas ng kolong-kolong ang daan patungo sa timog na direksyon o patungong Brgy. Magsaysay habang sa kasalungat na direksyon naman patungo ang motorsiklo.

Nang makarating sila sa pinangyarihan ng insidente pangunahin sa pataas na bahagi ng kalsada ay biglang umagaw ng linya ang motorsiklo na naging dahilan para masalpok nito ang kasalubong na kolong-kolong.

--Ads--

Nagtamo ng sugat sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang dalawang sakay ng motorsiklo na agad dinala ng LART 1115 Rescue Team sa San Mariano Community Hospital sa San Mariano, Isabela para malapatan ng lunas.

Inilipat naman kalaunan ang tsuper nito sa Provincial Hospital, City of Ilagan, Isabela habang ang tsuper ng kolong-kolong ay walang tinamong sugat sa katawan.

Pawang nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyan na dinala sa Benito Soliven Police Station para sa mas malalimang imbestigasyon at tamang disposisyon.