Umabot sa 21 Palestino, kabilang ang anim na bata, ang nasawi sa tank shelling at airstrike ng Israel sa Gaza nitong Miyerkules, Pebrero 4, ayon sa mga health officials. Kabilang sa mga nasawi ang isang medic na rumesponde sa unang pag-atake sa Khan Younis ngunit napatay sa ikalawang strike. Nasawi rin ang isang limang buwang gulang na sanggol sa Gaza City.
Naganap ang mga pag-atake tatlong araw matapos muling buksan ng Israel ang Rafah border crossing patungong Egypt, bahagi ng tigil-putukan na suportado ng Estados Unidos. Wasak din ang ilang tent sa Mawasi, coastal area malapit sa Khan Younis, na tinutuluyan ng libo-libong lumikas. Halos lahat ng mahigit dalawang milyong residente ng Gaza ay napilitang lumikas.
Ayon sa Israeli military, isinagawa ang pag-atake bilang tugon sa umano’y pag-atake ng mga militanteng Palestino, habang giit ng Hamas na nilalabag ng Israel ang kasunduan sa tigil-putukan at nanawagan ng aksyon sa International Community upang mapahinto ang karahasan.
Dahil sa insidente, pansamantalang naantala ang pagdaan ng mga pasyenteng Palestino patungong Egypt sa Rafah crossing. Sa kabuuan, umabot na sa 29 ang nasawi mula nang muling buksan ang border, at mula nang ipatupad ang tigil-putukan, hindi bababa sa 530 Palestino—karamihan ay sibilyan—ang napatay, habang apat naman ang sundalong Israeli.











