Patuloy ang presensya ng mga barko ng China sa West Philippine Sea matapos mamataan ng Philippine Navy ang kabuuang 24 na sasakyang-pandagat nito sa apat na maritime features mula Hulyo 7 hanggang 13.
Batay sa monitoring ng Philippine Navy, apat na Chinese Coast Guard vessels ang naobserbahan sa Ayungin Shoal habang 13 Chinese Coast Guard vessels naman ang namataan sa Bajo de Masinloc.
Sa Escoda Shoal, dalawang Chinese Coast Guard vessels at isang barko ng People’s Liberation Army (PLA) Navy ang na-monitor ng mga awtoridad.
Samantala, sa Pag-asa Island, dalawang Chinese Coast Guard vessels at dalawang PLA Navy ships din ang namataan.
Tiniyak naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magpapatuloy ang kanilang pagbabantay at pagmomonitor sa mga teritoryo at karagatang sakop ng bansa upang mapangalagaan ang pambansang soberanya at mga karapatan ng Pilipinas alinsunod sa international law, gayundin upang mapanatili ang kapayapaan, seguridad, at katatagan sa rehiyon.











