Timbog ang isang Street Level Individual na lalaki matapos ang ikinasang anti-illegal drug buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay Mabini, Santiago City.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Jay-ar,” 27-anyos, isang tricycle driver at residente ng Barangay Rizal ng lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLT. Gladys Dupitas, Assistant Station Commander ng Police Station 4, sinabi niyang nagsagawa ng buy-bust operation ang pinagsanib na pwersa ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Nakumpiska mula sa kanya ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 3.2 gramo at may Standard Drug Price (SDP) na Php21,760.00.
Narekober din ang Php12,500 na buy-bust money, isang Samsung A14 cellphone na kulay itim, at isang Bajaj 125 na motorsiklo na may sidecar na kulay asul.
Ayon kay Dupitas, minarkahan at inimbentaryo sa lugar ang mga ebidensya sa presensya ng mga itinakdang saksi alinsunod sa batas. Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, Nagpaalala rin si Dupitas na mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang pagbebenta, pagbili, at paggamit ng ilegal na droga. Hinihikayat niya ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad, bantayan ang kabataan, at tiyaking hindi masasangkot sa anumang ilegal na aktibidad upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng komunidad.
Home Local News
27-anyos na tricycle driver, timbog sa anti-illigal drug buy-bust operation sa Santiago City
--Ads--











