--Ads--

Arestado ang isang 35-anyos na lalaki matapos mahuli sa isang anti-illegal drug buy-bust operation na isinagawa ng pulisya sa Barangay Buena Vista, Santiago City.

Ang suspek ay itinago sa alyas na “Fel” na residente ng Barangay Rizal sa Santiago City.

Batay sa ulat, naaresto ang suspek matapos nitong maibenta ang hinihinalang shabu sa isang poseur buyer sa kasagsagan ng operasyon.

Nakumpiska mula sa kanya ang isang transparent plastic sachet na naglalaman ng tinatayang 0.2 grams ng hinihinalang shabu na nagsilbing buy-bust item.

--Ads--

Nabawi rin ng mga pulis ang isang tunay na P500 bill at isang P500 boodle money na ginamit sa operasyon, pati na rin ang isang Android cellphone na pinaniniwalaang ginamit nito sa ilegal na bentahan ng droga.

Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) at Police Station 1 laban sa suspek na matagal nang isinailalim sa surveillance.

Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at kasalukuyang nasa kustodiya na ng mga awtoridad para sa malalimang imbestigasyon at karagdagang disposisyon.