--Ads--

Sugatan ang tatlong sibilyan habang napinsala o tuluyang nawasak ang ilang gusali ng pamahalaan at mga sasakyan matapos ang magkakaugnay na panununog at pag-atakeng sa timog bahagi ng Thailand.

Ayon sa Internal Security Operations Command o ISOC ng Thailand, umabot sa 51 magkakaugnay na insidente ang naitala mula alas-8 ng gabi hanggang hatinggabi ng Sabado sa mga lalawigan ng Narathiwat, Yala at Pattani.

Pinakamatinding naapektuhan ang Narathiwat kung saan nasugatan ang dalawang babae na may edad na 45 at 46 at isang 21-anyos na lalaki matapos ang pagsabog sa gilid ng kalsada. Dinala ang mga biktima sa ospital at nasa matatag na kondisyon.

Nasunog din ang ilang tanggapan ng lokal na pamahalaan, telecommunications towers, poste ng kuryente at mga sasakyan. Pansamantala ring sinuspinde ang bahagi ng operasyon ng tren sa Narathiwat matapos madiskubre ang pinsala sa riles na dulot ng isang pagsabog.

--Ads--

Dahil sa serye ng mga pag-atake, nagpatupad ang mga awtoridad ng overnight curfew sa Narathiwat habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa mga insidente.

Wala pang grupong umaako sa mga pag-atake, ngunit matagal nang nakararanas ng karahasan ang mga lalawigan ng Pattani, Yala at Narathiwat. Mahigit 7,000 katao na ang nasawi mula nang sumiklab ang mababang antas ng armadong tunggalian sa rehiyon noong 2004.

Sinabi naman ng militar na mayroon silang natanggap na intelligence reports dalawang buwan bago ang mga insidente na posibleng magkaroon ng pag-atake sa mga tanggapan ng pamahalaan, subalit hindi natukoy ang eksaktong oras at lugar ng mga ito.

Nagaganap ang panibagong karahasan habang inaasahang magpapatuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan ng Thailand at ng pangunahing grupong separatista sa timog ng bansa.